
Ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission sa Meralco na ibalik sa kanilang mga customer ang mahigit P9.5 billion na sobrang nakolekta noong nakaraang taon.
Sa desisyong inilabas ng ERC, aabot sa kabuuang P9.506 billion ang dapat i-refund ng Meralco na katumbas ng average refund na P0.3448 per kilowatt-hour para sa lahat ng klase ng consumer.
Inatasan din nila ang Meralco na ipatupad ang refund sa loob lamang ng anim na buwan na maikli kumpara sa 36 na buwan na refund period na unang hiling ng Meralco.
Nauna nang naghain ang power distributor ng dalawang petisyon para sa refund ng overrecoveries mula Enero hanggang Disyembre 2025.
Lalabas ang ibabalik na halaga sa monthly bill bilang hiwalay na item na may label na “AWAT (Refund)/Collect” para malinaw na makita ng mga customer ang kanilang matatanggap na refund.










