
Aarangkada na ngayong araw ang mga aktibidad para sa ika-48 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Meetings sa Cebu, kung saan inaasahang pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang delegasyon ng Pilipinas.
Ayon kay ASEAN 2026 National Organizing Council Director General for Operations Hellen Dela Vega, magsisimula ang preparatory meetings ng mga senior officials at ministers ngayong May 6 at 7, na hudyat ng pormal na pag-arangkada ng summit.
Nakatakda ring dumating ngayong araw sa Cebu ang pangulo, habang sa bukas naman, May 7, ay sunod-sunod na darating ang mga pinuno ng mga bansang kasapi ng ASEAN.
Sa parehong araw, magsasagawa ng special summit ang mga lider ng Brunei, Indonesia, Malaysia, at Pilipinas tungkol sa mahahalagang isyu sa rehiyon.
Sa Biyernes, May 8, pormal na bubuksan ang summit sa Mactan Expo, na agad susundan ng serye ng high-level meetings, working lunch, at ASEAN Retreat Session, kung saan inaasahang tatalakayin ang pinakamabibigat na usapin ng rehiyon.
Pagkatapos ng mga pulong, haharap si Pangulong Marcos sa media upang ilahad ang mga napagkasunduan, bago tapusin ang araw sa isang state dinner kasama si First Lady Liza Marcos at mga delegado.










