Hindi lamang mga bata at matatanda ang naghahanda ng kani-kanilang kasuotan tuwing Halloween, dahil maging ang mga alagang hayop ay nagkaroon din ng pagkakataong maging bida sa isang paligsahan sa La Union.
Sa pamamagitan ng “Spookiest Paws of Halloween” Pet Costume Contest ng SMLU Pet & Furparents Community La Union, naipamalas ng mga furparent ang kanilang pagkamalikhain sa pagbibihis sa kanilang mga alagang hayop sa makukulay, nakatutuwa, at nakatatakot na mga kasuotan.
Inilabas na ng samahan ang opisyal na mga larawan ng mga kalahok upang mabigyan ng pagkakataon ang mga viewer na makita at piliin ang kanilang mga paboritong alagang hayop. Isa sa mga inaabangang pagkilala sa paligsahan ang Most PAWpular Pet Award, na magbibigay-pansin sa mga kalahok na makakakuha ng popularidad mula sa mga viewer.
Ngunit higit pa sa kakaibang mga costume at inaabangang pagkilala, tampok din sa naturang aktibidad ang espesyal na ugnayan sa pagitan ng mga alagang hayop at kanilang mga furparent.
Sa likod ng bawat kasuotan ay ang oras, pag-aalaga, at pagmamahal na inilalaan ng kanilang mga amo upang maging bahagi rin ng kasiyahan ang kanilang mga alagang hayop.
Sapagkat hindi lamang sila mga alagang hayop na kasama sa loob ng tahanan. Sila rin ay mga kaibigang nagbibigay ng saya, lambing, at walang kapantay na samahan sa kanilang mga pamilya.
At sa bawat tahol, kaway ng buntot, at masayang pagsalubong, pinatutunayan nilang ang tunay na halaga ng pagiging magkakasama ay hindi nasusukat sa panalo o premyo, kundi sa pagmamahalang nabubuo at sa saya na naibabahagi sa bawat tahanan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








