Monday, July 13, 2026

Presiding officer, hindi pwedeng diktahan ang mga senator-judges sa mga itatanong sa testigo

Hindi pwedeng diktahan ng presiding officer ang mga pwede at bawal na itanong ng mga senador sa gitna ng nagpapatuloy pa rin na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang nilinaw ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero sa kabila ng naging pagkwestyon noong nakaraang linggo ni Senator-judge Pia Cayetano kay Senator-judge Risa Hontiveros dahil sa pagtatanong nito kay prosecution lawyer Atty. Amando Ligutan na tila conclusive o may paghatol na kay VP Sara.

Paliwanag ni Escudero, hindi niya pwedeng kwestyunin ang pagtatanong ng mga senator-judges dahil sa Impeachment Court, sila ay pantay-pantay at may kalayaan silang magtanong.

Sinabi nitong hanggang paalala lang ang pwede niyang gawin sa mga senator-judges kapag sa tingin niya ay hindi angkop o dapat iwasan ang tanong.

Dagdag pa ng presiding officer, pare-pareho silang tig-isa ng boto sa pag-acquit o pag-convict sa nasasakdal na bise presidente.

Facebook Comments