Mga awtoridad na nagpatupad ng ICC arrest warrant, isiniwalat ang detalyadong pangyayari ng pag-aresto kay FPRRD

Sa unang pagkakataon ibinihagi ni Criminal Investigation and Detection Group o CIDG Chief General Nicolas Torre III, Philippine National Police o PNP Spokesperson Jean Fajardo, at Justice Usec. Nicholas Felix Ty ang detalyadong kaganapan sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang panel discussion sa Malacañang.

Ayon kay Torre, tumagal ng 12 oras ang buong proseso ng pag-aresto mula pagkuha sa pangulo hanggang sa pagsakay sa eroplano.

Babasahan din aniya nila ng Miranda Rights si Duterte habang nasa Ninoy Aquino International Airport o NAIA, pero nakiusap ang kanyang kampo na ipagpaliban ito, kaya dinala muna siya sa Villamor Airbase, dahil ito naman daw ang official lounge ng pangulo ng Pilipinas.


Nilinaw rin ni Torre na hindi pinagkaitan ng pagkain at medical assistance si FPRRD.

Ibinunyag din ni Torre na nakaranas sila ng harassment mula sa kampo ng dating pangulo pero iginiit nitong mahigpit na ipinatupad ng pulisya ang maximum tolerance sa buong proseso ng pag-aresto.

Kinumpirma rin ni Torre na umabot na sa punto na pinosasan niya si dating Executive Secretary Salvador Medialdea dahil sa asuntong obstruction of justice o pagharang na maidala si FPRRD sa naghihintay na eroplano.

Pinabulaanan naman ni PNP Spokesperson Jean Fajardo ang mga spekulasyon na umiiyak ang ilang pulis habang inaaresto ang dating pangulo.

Hindi rin aniya totoo ang mga balitang may mga pulis na nagbitiw sa pwesto.

Samantala, sinabi naman ni Justice Usec. Nicolas Felix Ty na sa ngayon ay wala pa silang impormasyon kaugnay sa warrant of arrest ng (ICC) International Criminal Court laban kina Senator Ronald Dela Rosa at dating PNP Chief Oscar Albayalde.

Facebook Comments