Wednesday, July 29, 2026

Mga cash withdrawals ng bise presidente noong DepEd secretary pa, “unusual” din — ikalawang testigo

Itinuturing din ng ikalawang testigo ng prosekusyon na “unusual” ang P37.5 million encashment na ginawa ni Vice President Sara Duterte noong ito ay Kalihim pa ng Department of Education (DepEd).

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni VP Duterte, sumalang sa witness stand si dating Landbank DepEd branch, branch manager Nenita Camposano kung saan tinukoy nito ang tatlong cash withdrawals ng bise president sa ilalim ng DepEd noong 2023 na nasa P37.5 million kada transaksyon o kabuuang P112.5 million.

Tinanong ni Senator-judge Kiko Pangilinan kung normal ba ang ganitong transaksyon kung saan sinagot ni Camposano na “unusual” o kakaiba ang ganitong encashment sa ilalim ng DepEd.

Sinabi ni Camposano na unang pagkakataon ang ganitong kalaking encashment sa naturang branch dahil ang karaniwang cash withdrawals lang sa ilalim ng DepEd ay aabot lamang sa average na P10 million.

Mayroon naman aniyang parehong halaga ng withdrawals sa ibang Landbank branch ng ibang government agencies pero tumanggi si Camposano na tukuyin kung anong ahensya ito.

Sinabi rin ni Camposano na hindi naman sinabi sa kanila kung para saan gagamitin ang pera at hindi na rin nila inusisa dahil dumaan naman ito sa Department of Budget and Management (DBM) at may authorization mula sa DepEd matapos matanong tungkol dito ni Senator-judge Risa Hontiveros.

Dagdag ni Camposano na ito na ang pinakamalaking withdrawal sa kanilang branch at matapos ang tatlong beses na encashment ay hindi naman na ito nasundan.

Kinumpirma ni Camposano na walang kahina-hinala at walang iligal sa transaksyon nang matanong ni Senator-judge Robinhood Padilla sa kabila ng pagiging unusual ng withdrawal.

Ang tatlong withdrawal transactions sa ilalim ng DepEd ay nakapangalan kay Edward Fajarda na special disbursing officer ng ahensya.

Facebook Comments