Nabawasan na umano ang pagbaha sa ilang bahagi ng Dagupan City sa kabila ng matinding pag-ulan nitong mga nakaraang araw, ayon sa mga opisyal ng lungsod.
Kasabay nito, nagsagawa ng inspeksyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 1 sa namumuong tubig-baha sa kalsada sa overpass ng City High, habang inihahanda ang isang pangmatagalang solusyon na target ipatupad sa 2027.
Ayon kay City Engineer Engr. Josephine Corpuz, nakatakdang ipatupad ng DPWH Region 1 ang long-term project na magpapataas sa overpass at kalsada sa lugar.
Sa kabila ng malakas na ulan at high tide nitong Lunes, sinabi ni Acting Mayor Bryan Kua na nabawasan na kahit papaano ang pagbaha sa lungsod dahil narin sa pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay.
Samantala, sinabi ni CDRRMO Head Ronaldo De Guzman na malaking tulong ang mga drainage improvement project sa pagpapabilis ng pagresponde sa mga barangay na dati ay mahirap marating dahil sa mga sirang kalsada.
Ayon sa tala ng PARMC, umabot sa 200 millimeters ang naitalang ulan sa loob lamang ng isang araw noong Lunes, kaya’t nagdulot umano ng pagbaha sa ilang kalsada kasabay ng high tide.
Bagama’t nasa below normal pa ang lebel ng Sinucalan River at wala pang direktang epekto sa kasalukuyan, pinayuhan pa rin ang mga barangay na manatiling mapagmatyag dahil maaari pang tumaas ang tubig bunsod ng runoff mula sa kabundukan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








