Thursday, April 23, 2026

Personal aide ni dating DPWH Usec. Bernardo, inaming nag-deliver ng ilang mga kahon at maleta sa ilang politiko at dating opisyal ng DPWH

Humarap sa bail hearing ng Sandiganbayan 3rd Division ngayong araw si Vergel Niño Garcia, aide ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo.

Nagsilbi itong testigo ng prosekusyon sa hirit na makapag-bail sina dating Senator Bong Revilla at iba pang akusado sa kasong malversation.

Sa pagdinig, sinabi nitong 2005 pa siya nagsimulang magtrabaho kay at malapit ito sa kaniyang ama.

Aniya, naka-plantilla siya na heavy equipment operator sa DPWH pero tumatayong aide at minsan ay driver ni Bernardo.

Sa kaniyang testimonya, sinabi ni Garcia na ilang beses siyang inutusan ni Bernardo na maghatid ng mga kahon at maleta sa iba’t ibang personalidad at lokasyon mula taong 2023 hanggang 2025.

Kabilang sa kaniyang binanggit na utos ni Bernardo ay ang mag-deliver para kina dating Sen. Bong Revilla, Sen. Jinggoy Estrada, dating DPWH Sec. Manuel Bonoan, pumanaw na dating DPWH Usec. Cathy Cabral, dating Deped Usec. Trygve Olaivar at ilan pang indibidwal.

Gayunpaman, nilinaw ni Garcia na sa lahat ng pagkakataon ay hindi niya alam ang laman ng mga kahon at sinusunod lamang niya ang utos ni Bernardo.

Aniya, kadalasan ay hindi rin niya direktang nakakausap ang mga umano’y tatanggap, at sa ilang pagkakataon ay mga driver o contact person lamang ang kumukuha ng mga ipinadalang items.

Bukod kay Garcia, nakatakda pang humarap at magbigay ng testimonya sa bail hearing ang isa pang testigo ng prosekusyon na si Francisco Dela Fuente Jr., na umano’y driver ni Bernardo.

Facebook Comments