Mga fixer sa mga tanggapan ng LTO, nananatili pa rin ayon mismo sa LTO

321

Aminado si Atty. Romeo Vera Cruz, Officer-in-Charge ng Land Transportation Office (LTO) na namamayagpag pa rin ang fixers sa mga tanggapan ng LTO sa bansa.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Atty. Vera Cruz na inatasan na nila ang kanilang mga regional director at district heads na paalisin ang mga taong nasa paligid ng tanggapan ng LTO na nag a-advertise na sila ay makakatulong sa mabilis na pagproseso sa anumang transaksyon sa LTO.

Giit ni Atty. Vera Cruz, mas mabilis ang transaksyon kapag sa loob mismo ng tanggapan ng LTO makikipagtransaksyon.


Panawagan ni Vera Cruz, huwag tangkilikin ang anumang fixers.

Samantala, bagama’t walang eksaktong figure kung ilan na ang bilang ng mga nahuling online fixers, tiniyak ni Atty. Vera Cruz na patuloy ang kanilang pagtugis sa online fixers katuwang ang PNP Anti-Cybercrime Group.

Katunayan aniya, dalawang araw lamang ang nakalilipas ay may nahuli silang panibagong online fixers na gumagamit ng social media para mag-advertise ng kanilang serbisyo.



Muling hinimok ni Vera Cruz ang publiko na huwag tangkilikin ang ganitong alok at mas maiging direktang makipag transaksyon sa opisina ng LTO.

Facebook Comments