Tuesday, November 3, 2026

Mga fur parent, hinimok ng PNP na magsampa ng kaso kaugnay ng mga itinapong labi ng hayop sa Bulacan

Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang mga may-ari ng alagang hayop na maaaring nabiktima ng isang animal crematorium sa Bacoor City, Cavite, na pormal na magsampa ng mga reklamo at magsumite ng ebidensya sa mga awtoridad.

Ito ay kasunod ng pagkakatuklas sa 29 na patay na aso at pusa na umano’y itinapon sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan.

Ayon kay PNP Spokesperson PCOL. Allen Rae Co, hinihikayat niya ang mga biktimang may-ari ng hayop na magsampa ng kaso.

Ayon naman kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., handa ang PNP na tumulong sa pag-iimbestiga, pagprotekta sa mga karapatan, at pakikipagtulungan sa mga kaugnay na ahensya para matukoy ang responsable at mapanagot sa batas ang nasa likod ng insidente.

Ayon sa PNP, kabilang sa mga posibleng kasong isasampa laban sa mga responsable ang estafa, syndicated estafa, mga paglabag sa Code on Sanitation of the Philippines, Ecological Solid Waste Management Act, at Consumer Act of the Philippines.

Kaugnay nito, maaari ring maghain ng mga sibil na demanda ang mga apektadong customer para sa mga danyos.

Samantala, nakikisimpatya naman ang pambansang pulisya sa sakit at distress ng mga apektadong pet owners.

Facebook Comments