
Pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang pangseguridad nito upang protektahan ang kanilang mga mahahalagang impormasyon at mga operasyon kasunod ng pagkakaaresto sa 76 na mga foreign nationals sa isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO)-related facility sa Cubao, Quezon City.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi binabalewala ng PNP ang anumang posibleng banta ng paniniktik at ginagawa nila ang lahat ng mga hakbang upang mapigilan ang pagpasok ng mga dayuhang espiya sa mga sistema ng pulisya at maprotektahan ang pambansang seguridad.
Ayon pa kay Nartatez, patuloy ang kanilang pakikipagugnayan sa ibang mga ahensya para mapalakas ang seguridad kasama na ang legal at institutional frameworks para sa pagprotekta sa national security mula sa posibleng banta.
Samantala, iniimbestigahan na rin ng pulisya kung may kaugnayan ang operasyon sa Cubao sa kahalintulad na pogo hub sa Zamboanga Sibugay, na may 244 na mga dayuhan ring naaresto nitong unang bahagi ng buwan.










