MGA ISKOLAR NG TESDA SA LA UNION, SINASANAY SA MAKABAGONG PAMAMARAAN NG PAG-AALAGA NG HAYOP

Patuloy na hinahasa ng TESDA La Union Provincial Office, katuwang ang Rocapor’s Farm School for Practical Agriculture, ang kasanayan ng mga iskolar sa ilalim ng Coconut Farmers Scholarship Program (CFSP) sa pamamagitan ng pagsasanay sa Animal Production (Ruminants) NC II.

‎Bahagi ng programa ang mga hands-on training na naglalayong ihanda ang mga kalahok sa makabago at makaagham na pamamaraan ng pag-aalaga at pagpaparami ng mga hayop, na mahalaga sa pagpapalakas ng industriya ng paghahayupan.

‎Sa ilalim ng Competency on Competency (COC) 3 o Perform Breeding of Ruminants, sumasailalim ang mga iskolar sa pagsasanay sa rectal palpation at pangunahing kaalaman sa artificial insemination (AI).

‎Layunin nitong mapalawak ang kanilang kaalaman sa reproductive management at mapataas ang kahusayan sa pagpaparami ng mga alagang hayop gamit ang makabagong teknolohiya.

‎Kasabay nito, tinuturuan din ang mga iskolar ng rope eye splicing sa ilalim ng COC 5 o Raise Meat-Type Animals. Dito, natututuhan nila ang wastong paggawa at paggamit ng lubid na mahalaga sa ligtas at episyenteng pagpigil, paghawak, at pangangasiwa ng mga hayop sa pang-araw-araw na operasyon sa bukid.

‎Ayon sa TESDA, ang patuloy na pagsasanay ay naglalayong mabigyan ang mga iskolar ng sapat na praktikal na kasanayan at kaalaman upang maging handa sa trabaho at makapag-ambag sa pagpapalago ng sektor ng livestock at agrikultura. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments