
Ipinag-utos ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Abdulraof Macacua ang pormal na pagsampa sa Office of the Ombudsman ng patung-patong na kasong kriminal at administratibo laban kay dating Education Minister Mohagher Iqbal.
Ito ay may kinalaman sa resulta ng special audit na isinagawa ng Commission on Audit hinggil sa umano’y maanomalyang pagbili ng ₱2.2 bilyong halaga ng learning at training materials para sa mga eskwelahan sa Bangsamoro.
Sa personal na sulat ni Macacua kay Iqbal, iginiit ng Chief Minister na ang pagsasampa ng mga kaso ay magbibigay kay Iqbal ng pagkakataong sagutin ang mga paratang at linisin ang kanyang pangalan.
Mula noong May 19, tinanggal na sa puwesto si Iqbal bilang pinuno ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) dahil sa naturang anomalya.
Ayon kay Macacua, hindi lamang si Iqbal ang nadungisan kundi pati ang reputasyon ng buong BARMM bilang institusyon dahil sa umano’y malawak na korapsyon.
Dagdag pa niya, kailangan nang kumilos at manindigan upang itaguyod ang moralidad ng BARMM, dahil nawalan na siya ng tiwala sa kakayahang mamahala ni Iqbal, na umano’y taliwas sa adhikaing kanilang isinusulong sa Moro Islamic Liberation Front.










