Ibinalik ng Malacañang kay Vice President Sara Duterte ang pagpuna nito sa kakulangan ng intelligence gathering ng gobyerno matapos ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi mga terorista ang mga estudyanteng sangkot sa insidente para isailalim sa intelligence monitoring.
Binalikan din ni Castro ang mga karahasang naganap noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kabilang ang pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Laguna noong 2019 na kinasangkutan ng isang menor-de-edad.
Tinukoy rin niya ang mga pag-atake sa Davao City, kabilang ang pambobomba noong 2016 na iniuugnay sa Abu Sayyaf, pati ang iba pang insidente ng karahasan at pagsabog sa panahon ng nakaraang administrasyon.
Giit ni Castro, kung mahusay umanong pumuna si VP Sara sa usapin ng seguridad, dapat noon pa niya ito naipayo sa kaniyang ama upang makatulong na maiwasan ang mga kaparehong trahedya noong siya pa ang pangulo.










