Kabilang sa naapektuhan ang mga magsasakang ang kanilang mga pananim ay nakatakda na sanang anihin at ibenta, ngunit nasira matapos mabilis na tumaas ang tubig-baha.
Dahil dito, naghahanap ngayon ng ibang paraan ang ilang magsasaka upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Isa sa kanila si Jerry Ricodos, isang magsasaka sa Calasiao na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa pagbaha.
Sa kasalukuyan, nakahanap sila ng pansamantalang pagkakakitaan sa pamamagitan ng pagrerenta ng tractor na ginagamit sa paghakot at pagbibiyahe ng mga residenteng nangangailangan ng transportasyon sa mga lugar na apektado ng patuloy na pagtaas ng tubig-baha.
Ayon kay Ricodos, nasa ₱500 kada araw ang kaniyang kinikita bilang konduktor, habang umaabot naman sa ₱1,000 kada araw ang kita ng drayber.
Gayunman, hindi pa buo ang nasabing halaga dahil kailangan pa nilang magbigay ng boundary sa may-ari ng tractor.
Umaasa si Ricodos na unti-unting makababangon ang kanilang kabuhayan matapos ang kalamidad, gayundin ang muling pagsigla ng kanilang mga pananim at pagbabalik sa dating kalagayan ng kanilang mga palayan.
Hangad niyang muli silang makapagsaka at magkaroon ng sapat na kita para sa kanilang pamilya matapos ang pinsalang iniwan ng Habagat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










