HECTOR MENDOZA BRIDGE SA ALCALA, LIGTAS NG DAANANNG LAHAT NG URI NG SASAKYAN MATAPOS ANG DPWH INSPECTION

Maaari nang muling daanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang Hector Mendoza Bridge sa Alcala, Pangasinan matapos ang isinagawang inspeksyon sa kondisyon ng tulay.

Nagpulong ang mga inhinyero ng Department of Public Works and Highways o DPWH, kasama si Alcala Mayor Manuel T. Collado at mga kinatawan ng Municipal Engineering Office at Municipal Planning and Development Office, upang talakayin ang resulta ng pagsusuri sa tulay.

Batay sa inspection reports, wala umanong nakitang pinsala na magiging dahilan upang limitahan ang pagdaan ng mga sasakyan, kaya pinayagan na itong buksan sa lahat ng uri ng sasakyan.

Gayunman, pinapayuhan pa rin ang mga motorista na mag-ingat at sumunod sa umiiral na traffic regulations habang binabagtas ang tulay.

Nakaantabay din ang mga tauhan ng pulisya upang bantayan ang daloy ng trapiko at gabayan ang mga motorista.

Matatandaang pansamantalang ipinagbawal ang pagdaan ng malalaking sasakyan sa Hector Mendoza Bridge upang bigyang-daan ang pagsusuri ng DPWH Region 1.

Ito ay kasunod ng mga kumalat na post online hinggil sa napansing bahagyang pagbuka sa bahagi ng tulay na iniuugnay sa tinatawag na bridge expansion joint.

Kasunod ng inspeksyon, wala umanong nakitang damage sa tulay at maaari na itong gamitin ng lahat ng uri ng sasakyan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments