
Ipinaalala ni Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian na may pananagutan din sa batas ang mga magulang ng mga batang bully.
Kaugnay ito sa nag-viral na video ng isang babaeng estudyante na pinalibutan ng kanyang mga kaklaseng babae at pinagtulungang sabunutan hanggang sa mapaupo na lamang ang bata sa sahig sa loob ng kanilang silid-aralan.
Ayon kay Gatchalian, batay sa civil code may pananagutan ang mga magulang kung saan maaari silang idemanda at pagbayarin ng damages mula sa tinamo ng batang binully.
Wala rin aniyang lusot sa pananagutan ang mga paaralan lalo na kung mapatunayan na wala silang ginawang aksyon sa kabila ng mga kaso ng bullying sa kanilang eskwelahan.
Bukas ng hapon ay magdaraos ng pagdinig ang Senado sa mga kaso ng bullying sa mga paaralan kung saan partikular na sisilipin dito ang mga polisiya ng mga paaralan para labanan at maiwasan ang bullying gayundin kung ano ang mga dapat pang gawin ng gobyerno, principals, at mga magulang.
Nababahala si Gatchalian dahil sa kabila ng batas na anti-bullying law ay mas laganap ang kaso ng mga pambubully sa mga paaralan at mas lumalala ang mga kaso dahil bukod sa pananakit, kinukuhaan pa ito ng video at ina-upload pa para tuluyang pahiyain ang batang biktima.