
Nagpaalala si Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia sa mga nagpalista sa local absentee voting (LAV) na kinakailangan nilang makaboto sa loob ng tatlong araw.
Ang paalala ay kasunod ng pagsisimula ng local absentee voting para sa mga personnel ng media, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at ibang mga tauhan ng COMELEC.
Paliwanag ni Garcia, hindi na kasi papayagan pa na bumoto sa May 12, 2025 o sa mismong araw ng botohan ang mga nagpalista sa LAV.
Aniya, kinokonsidera na kasi na ang mga nag-transfer ay sa ilalim ng LAV boboto at hindi na maaari pa sa regular na botohan.
Nabatid na nasa 992 ang inaasahang bobotong mga tauhan ng COMELEC sa pagsisimula ng LAV kung saan inaasahan ni Garcia na boboto lahat ang mga ito hanggang Miyerkules.