Natagpuan na ang lahat ng tatlong pasaherong nawawala matapos tumaob at lumubog ang isang motorized banca sa Camaley-Balogo River sa Binmaley, Pangasinan.
Bandang alas-sais ng umaga nitong Setyembre 14 nang matagpuan ang dalawa pang natitirang pasahero sa kaparehong lugar kung saan unang narekober ang labi ng isa pang nawawalang pasahero noong gabi ng Setyembre 13.
Sa pagkakarekober sa dalawang labi, tuluyan nang natapos ang isinagawang search and recovery operation.
Nagpasalamat naman ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO sa mga rescuers, volunteers at iba’t ibang ahensyang tumulong sa operasyon.
Samantala, sa panayam ng iFM News Dagupan kay Binmaley Chief of Police PLTCOL Lister A. Saygo, sinabi nitong nasa kustodiya ng mga awtoridad ang piloto ng motorized banca habang isinasagawa ang kaukulang proseso at hinihintay kung magsasampa ng reklamo ang pamilya ng mga nasawi.
Kasunod ng insidente, sinabi naman ni Binmaley Mayor Pedro “Pete” A. Merrera III na maglalatag ang lokal na pamahalaan ng mga ordinansa at karagdagang safety measures para sa operasyon ng mga motorized banca sa bayan.
Kabilang sa mga tututukan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng life vest, pagkakaroon ng kinakailangang safety equipment, at iba pang regulasyong sasaklaw sa mga pasahero at operator ng motor-banca.
Binigyang-diin ng alkalde na mahalagang mapalakas ang seguridad ng mga residenteng gumagamit ng motorized banca, partikular ang mga manggagawang umaasa rito bilang paraan ng transportasyon.
Target ng mga panibagong hakbang na maiwasan ang kahalintulad na trahedya at matiyak na nasusunod ang mga kinakailangang pamantayan sa kaligtasan bago bumiyahe ang mga motor-banca sa bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








