IBA’T IBANG SERBISYO NG PAMAHALAAN, INILAPIT SA MGA PANGASINENSE; TULONG SA MAGSASAKA AT MANGINGISDA, IPINAMAHAGI

Inilapit sa mga Pangasinense ang iba’t ibang serbisyo at programa ng pamahalaan sa pamamagitan ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat” na isinagawa nitong Setyembre 14 sa CSI Stadia, Dagupan City.

‎Pinagsama-sama sa iisang lugar ang mga serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mas madaling napakinabangan ng mga residente mula sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan ang mga programang may kaugnayan sa trabaho, ayuda, kalusugan, edukasyon, kabuhayan, agrikultura at pagkuha ng mahahalagang dokumento.

‎Kabilang sa mga serbisyong inialok at isinagawa ang ₱20 kada kilo na BBM Rice, Job Fair ng Department of Labor and Employment o DOLE, TUPAD payout, libreng NBI Clearance para sa unang 200 aplikante, YAKAP at medical services, TESDA scholarships, at iba’t ibang tulong para sa mga magsasaka at mangingisda.

‎Dumalo sa programa si Department of Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, kasama si Dagupan City Mayor Belen Fernandez at mga opisyal at kinatawan ng iba’t ibang national, regional at local government offices.


‎Sinabi ni Estrella na bahagi rin ng mga aktibidad ang pamamahagi ng Department of Agrarian Reform ng mga titulo ng lupa sa mga farmer-beneficiaries sa Rosales, Pangasinan, bilang bahagi ng pagpapatupad ng agrarian reform program.


‎Naghatid din ng tulong ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 1 o BFAR-1 sa mga fishpond owner at mangingisda sa pamamagitan ng pamamahagi ng bangus fingerlings at mga bangka.


‎Namahagi rin ang Department of Agriculture Region 1 ng mga punla at kagamitang pansaka para sa mga benepisyaryong magsasaka.


‎Ikinatuwa naman ni Mayor Belen Fernandez ang naging turnout ng programa at ang pakikiisa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa paghahatid ng kanilang mga serbisyo sa mga Pangasinense.


‎Nakiisa rin ang mga opisyal, benepisyaryo at iba pang dumalo sa programa sa pagbati kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ika-69 na kaarawan nitong Setyembre 14.

‎ ‎Sa kabuuan, tinatayang higit 5,000 na mga Pangasinense ang naabutan ng iba’t ibang serbisyo, ayuda at programang pangkabuhayan ng pamahalaan kahapon partikular sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang sektor na nangangailangan ng suporta, kabilang ang mga naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments