
Nagpatawag ng agarang pagpupulong ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa kasama ang mga opisyal ng lungsod, paaralan, at mga security personnel.
Ito’y upang suriin at palakasin ang seguridad sa mga paaralan kasunod ng naganap na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Sa inilabas na pahayag ng Muntinlupa LGU, layunin ng nakatakdang pagpupulong na suriin ang kasalukuyang sitwasyon ng seguridad sa mga paaralan at higit pang palakasin ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga mag-aaral at kawani ng mga paaralan.
Nakababahala umano at nakagugulat ang insidente, na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng hindi bababa sa lima pa.
Isa umano itong pangyayaring magbabago sa paraan ng paghahanda at pagpapatupad ng seguridad sa mga paaralan sa bansa.
Binigyang-diin din ng lungsod ang pangangailangan ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa likod ng karahasan at maunawaan kung paano ito nangyari.
Anila, mahalagang malaman ang mga dahilan upang makapaghanda at makapaglatag ng mga hakbang na upang hindi makahalintulad sa parehas na insidente sa hinaharap.
Bagama’t malayo ang Tacloban sa Muntinlupa, sinabi ng lokal na pamahalaan na ang ganitong uri ng banta ay maaaring mangyari saanman at hindi nakabatay sa geographical location.










