
Mariing kinondena ng House Committee on Women and Gender Equality ang misogynistic, sexualized, at personal na pag-atake kay House Prosecutor at San Juan City Representative Ysabel Zamora
Kaugnay ito sa naging istilo ng pagpresenta ni Zamora sa impeachment trial ng testigo at dokumento kaugnay sa mga pag-aaring baril ni Vice President Sara Duterte at mister na si Atty. Manases Carpio.
Batay sa pahayag ng chairperson ng komite na si Laguna Rep. Ann Lourdes Matibag, sa isang demokrasya ay mahalaga ang mga kritisismo laban sa mga public officials na nakasentro lang dapat sa mga isyu.
Giit ni Matibag, hindi ito katanggap-tanggap at hindi dapat palampasin kung ang mga kritisismo ay nakatuon sa itsura, boses, kasarian, at mannerism ng isang tao lalo na ng isang babae.
Sabi ni Matibag, hindi dapat maliitin at punahin kung paano nagsasalita at dinadala ng isang babae ang kaniyang sarili na katulad ni Zamora ay gumaganap lang sa kaniyang tungkulin.
Bunsod nito ay nananawagan si Matibag sa mga public officials, sa media, mga taga-suporta ng mga politiko at sa lahat na panatiling nakatutok sa isyu ang mga debate, argumento at aksyon.
Apela ni Matibag sa lahat, huwag gumawa ng mga pahayag at aksyon na nagsusulong ng poot, pagmamaliit, pamamahiya, at panggigipit kaninuman lalo na sa mga kababaihan.










