MGA PANGASINENSE, MAGKAKAIBA ANG PANANAW SA POSIBLENG PAGPAPAHABA NG TERMINO NG BARANGAY AT SK OFFICIALS

Hindi lamang usapin ng petsa ng halalan ang nakasalalay sa panukalang pagpapaliban ng 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.

‎Para sa ilang Pangasinense, pagkakataon ang halalan upang magkaroon sila ng panibagong pagpipilian at makapili ng mga lider na sa tingin nila ay higit na tutugon sa pangangailangan ng kanilang komunidad.


‎Ayon sa ilang botante, mahalaga ang regular na halalan dahil dito nila naipapakita ang kanilang pagpili kung sino ang nais nilang mamuno sa barangay at magsilbi sa kanilang komunidad.

‎Ngunit para naman sa ibang Pangasinense, may pakinabang din ang pagpapatuloy sa termino ng mga kasalukuyang opisyal.

‎Sa halip na agad maghanda para sa panibagong halalan, maaari umanong ituon ng mga kasalukuyang barangay at SK officials ang dagdag na panahon sa pagpapatuloy ng kanilang mga proyekto at programa.


‎Samantala, nagpatuloy na ang proseso sa Kongreso para sa panukalang pagpapaliban ng BSKE.

‎Noong Setyembre 14, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2387, na nagmumungkahing gawing limang taon ang termino ng barangay at SK officials at ilipat sa Nobyembre 2028 ang susunod na BSKE.

‎Nakakuha ang panukala ng 13 boto pabor, lima laban, at walang abstention.

‎Noong Setyembre 16, in-adopt naman ng Kamara ang bersyon ng Senado. Sa ilalim ng panukala, isasagawa ang susunod na BSKE sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028.

‎Gayunman, habang wala pang ganap na batas na nagpapaliban sa halalan, nagpapatuloy ang paghahanda ng Commission on Elections o COMELEC para sa kasalukuyang iskedyul.

‎Nakatakda ang BSKE sa Nobyembre 2, 2026, habang itinakda naman ang paghahain ng Certificates of Candidacy o COC mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 5.

‎Sa Pangasinan, nananatiling hati ang pananaw ng mga botante—may naghihintay ng pagkakataong pumili ng bagong lider, habang mayroon ding nais munang ipagpatuloy ng kasalukuyang mga opisyal ang kanilang serbisyo.

‎Sa huli, nakasalalay pa rin sa magiging pinal na batas kung matutuloy ang halalan sa 2026 o maililipat ito sa 2028. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments