Nagsagawa ng inspeksyon ang Sanitary Team ng lokal na pamahalaan ng Bugallon sa ilang poultry farm sa bayan matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa mga residente, partikular sa Poblacion, kaugnay ng pagdami ng langaw sa ilang lugar.
Sa isinagawang pagbisita, natukoy ng mga awtoridad na may seryosong problema sa sanitasyon ang isang poultry farm sa Brgy. Portic na kapansin-pansin umano ang hindi makontrol na dami ng langaw sa loob pa lamang ng pasilidad.
Dahil dito, agad na ipinag-utos ng Sanitary Inspection Team ang pansamantalang pagpapatigil sa paglalagay ng panibagong manok sa naturang pasilidad at iba pang poultry farm na may natukoy na paglabag, hanggang sa makasunod ang mga ito sa itinakdang sanitary requirements.
Inatasan din ang mga poultry operator na kumuha ng kaukulang permit mula sa Sanitary Inspector at tiyaking sumusunod sa mga umiiral na alituntunin bago payagang muling mag-operate.
Samantala, magsasagawa ng public hearing ang lokal na pamahalaan kaugnay sa isyu sa Mayo 26, 2026, alas-1:00 ng hapon sa Bugallon Public Plaza upang dinggin ang panig ng mga residente at malinawan ang mga usapin kaugnay ng reklamo.
Iginiit ng tanggapan ang patuloy na pagtutok sa mga reklamong may kaugnayan sa kalinisan at kalusugan upang matiyak ang kapakanan ng mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










