Mga problema sa implementasyon ng NCAP, dapat munang iresolba bago magpataw ng multa

Kinalampag ni Cavite 1st District Representative Jolo Revilla ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para resolbahin ang mga problema kaugnay sa implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) bago magpataw ng multa sa mga lalabag.

Pangunahing tinukoy ni Revilla na dapat munang ayusin ng MMDA ang mga hindi gumagana o sablay na mga traffic light, buradong marka sa mga lansangan, at ang kawalan o hindi agad nakikita na mga traffic signage.

Mensahe ito ni Revilla sa MMDA kasunod ng viral video ng isang traffic light sa bahagi ng Abad Santos Avenue sa Maynila na agad nagpapalit sa green o go signal mula sa red o stop signal kahit hindi pa tapos ang countdown.

Diin ni Revilla, magmimistulang entrapment o patibong sa mga motorista ang NCAP kung ganito kapalpak ang ating traffic infrastructure na syang pagbabasehan ng paglabag ng mga nagmamaneho.

Giit ni Revilla, hindi makatwiran na ang mga driver ang magdusa at patawan ng parusa at multa dahil sa mga pagkukulang ng pamahalaan.

Facebook Comments