
Bukod sa Department of Education (DepEd), naglatag din ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa iba pang ahensya ng gobyerno para matiyak ang maayos na pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan.
Sa pagbisita isang eskwelahan sa Maynila, inatasan ng Pangulo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na palawigin pa ang sakop ng internet coverage sa bansa, dahil sa ngayon ay 60% pa lang ng mga paaralan ang may access sa internet.
Ipinagbilin naman ng Pangulo sa Department of Transportation (DOTr) at Department of Trade and Industry (DTI) na gawin ang lahat ng paraan para mabawasan ang gastos ng mga estudyante.
Pinatitiyak naman ni Pang. Marcos sa Department of Health ang pagkakaroon ng sapat na health facility sa mga paaralan para sa anumang emergency.
Habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay inatasan sa mga programang makatutulong sa kapakanan ng mga kabataan, lalo na sa banta ng cyberbullying at pangangalaga ng mental health.
Inanunsyo rin ng Pangulo ang pagpapalawig pa ng feeding program sa mga paaralan, na target simulan sa susunod na buwan kung saan nais din niya na mabawasan ang trabaho ng mga guro kung kaya’t inihayag nito ang pagha-hire ng dagdag na teaching and non-teaching personnel ngayon taon.