
Tiniyak ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na patuloy nilang pinalalakas ang transmission network sa bansa.
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Energy (DOE) na silipin ang estado ng mga kasalukuyang proyekto ng NGCP.
Ayon sa NGCP, patuloy silang nagpapatupad ng mga kritikal na transmission projects para tugunan ang lumalaking demand at masuportahan ang integration ng mga bagong planta ng kuryente at renewable energy sources.
Samantala, welcome naman para sa NGCP ang pagtutok ng pamahalaan sa sektor ng enerhiya at sa panawagan para sa napapanahong paglalabas ng mga permit at hindi naantalang right of way access para mabilis na makumpleto ang mga pangunahing transmission projects.
Muli rin silang umapela para sa malawakan at pang matagalan na development plan gaya ng pagtutok sa mga kritikal na isyu kabilang ang sapat at tuloy-tuloy na baseload supply, maintenance ng energy mix at iba pa.
Una nang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na ipinag-utos ni PBBM ang pagsilip dito sa gitna ng mga usapin na may kinalaman sa kuryente at enerhiya sa bansa.
Kabilang din sa utos ng pangulo ang pagpapatayo ng mga bagong power plants at transmission networks para tugunan ang pagka-antala sa konstruksyon ng submarine cables at transmission lines.










