Pinuri ng mga opisyal at kawani ng Department of Agriculture – Regional Field Office 1 ang maayos na pagpapatupad ng mga programa at proyektong pang-agrikultura sa lungsod ng Alaminos matapos ang kanilang isinagawang pagbisita at monitoring activity kamakailan.
Layunin ng pagbisita na personal na inspeksyunin at suriin ang mga proyektong naipagkaloob ng DA-RFO 1 sa lungsod upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga ito at ang pakinabang na naidudulot sa mga magsasaka at iba pang stakeholder sa sektor ng agrikultura.
Kasabay nito, nagsagawa rin ang ahensiya ng benchmarking activity upang alamin at pag-aralan ang mga best practices at natatanging programang pang-agrikultura ng lungsod. Nakatuon ang mga programang ito sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura, pagpapataas ng produktibidad, at pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasakang Alaminian.
Ayon sa mga kinatawan ng DA-RFO 1, mahalagang maibahagi at maisulong ang mga matagumpay na inisyatiba ng mga lokal na pamahalaan upang magsilbing huwaran sa iba pang lugar sa rehiyon.
Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat ang Pamahalaang Lungsod ng Alaminos City sa patuloy na suporta, koordinasyon, at mga serbisyong ipinagkakaloob ng DA-RFO 1. Kabilang dito ang pagbibigay ng teknikal na gabay, mga programang pangkabuhayan, at iba pang mahahalagang tulong na naglalayong mapalawak ang oportunidad at benepisyong natatanggap ng mga magsasaka.
Patuloy namang pinagtitibay ng lokal na pamahalaan at ng DA-RFO 1 ang kanilang pagtutulungan upang maisulong ang mas masigla, produktibo, at matatag na sektor ng agrikultura para sa kapakanan ng mga mamamayan ng Alaminos. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











