LALAKING WANTED SA KASO NG RECKLESS IMPRUDENCE, NAARESTO SA STA. BARBARA, PANGASINAN

Isang lalaking may kinakaharap na kaso ang naaresto sa isinagawang manhunt operation ng Sta. Barbara Municipal Police Station sa Brgy. Poblacion Norte, Sta. Barbara, Pangasinan dakong alas-8:30 ng umaga noong Hunyo 10, 2026.

Ang suspek, residente ng Brgy. Maronong, Pangasinan, ay naaresto sa bisa ng Bench Warrant of Arrest na inisyu ng Presiding Judge ng National Capital Judicial Region, Metropolitan Trial Court, Branch 92 sa Marikina City noong Pebrero 14, 2025.

Ang naturang warrant ay may kaugnayan sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property sa ilalim ng Artikulo 365 ng Revised Penal Code, na may inirekomendang piyansa na ₱4,375.00 para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.

Ayon sa ulat, naitala ang pagsisilbi ng warrant sa pamamagitan ng video gamit ang alternatibong recording device alinsunod sa *Rules on the Use of Body-Worn Cameras in the Execution of Warrants* na ipinalabas ng Korte Suprema.

Matapos maaresto, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal at ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto. Kaagad siyang dinala sa Mapandan Community Hospital sa Mapandan, Pangasinan para sa medikal na pagsusuri bago pansamantalang ikinulong sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments