Thursday, July 9, 2026

MGA PROYEKTONG PANG-IMPRASTRAKTURA SA DAGUPAN CITY, SINURI AT PINAIGTING

‎Sunod-sunod na isinagawa ang inspeksiyon sa ilang proyektong pang-imprastraktura sa Dagupan City upang matugunan ang matagal nang suliranin sa mga kalsada at drainage at matiyak ang maayos na implementasyon ng mga proyekto.

‎Sa inspeksyon ni Mayor Belen Fernandez at City Engineer Josephine Corpuz, sinuri ang kondisyon ng problemadong manhole sa Caranglaan–Tebeng Road. Napag-alamang hindi umano pantay at kurbado ang alignment ng drainage, dahilan upang tawagin ito ng mga residente na “dancing drainage.” Isinasagawa ang inspeksiyon upang matukoy ang angkop na solusyon sa naturang problema.

‎Samantala, personal ding ininspeksiyon ang baku-bakong kalsada sa Sitio Patalan, Tebeng. Nakalaan umano ang humigit-kumulang ₱2 milyon para sa proyekto upang mapabilis ang pagsasaayos ng kalsada at mabigyan ng ligtas at maayos na daanan ang mga residente.

‎Sa ikatlong inspeksiyon, nagtungo naman ang mga opisyal sa Sitio China, Bonuan Binloc upang suriin ang kalagayan ng bagong gawang kalsada at drainage. Nakapanayam din ang ilang residente na nagpahayag na malaking tulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay ang natapos na proyekto.

‎Ayon sa naman sa mga opisyal, patuloy nilang babantayan ang pagpapatupad at pagsasaayos ng mga proyektong pang-imprastraktura upang matiyak na magiging ligtas, matibay, at kapaki-pakinabang ang mga ito sa mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments