Thursday, July 9, 2026

‎ RDRRMC-1, PINAIGTING ANG PAGHAHANDA SA POSIBLENG EPEKTO NG SUPER TYPHOON INDAY SA REGION 1 ‎

Nagpulong ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council Region 1 (RDRRMC-1) kahapon, July 8, upang paigtingin ang paghahanda ng mga ahensya ng pamahalaan sa posibleng epekto ng enhanced Southwest Monsoon (Habagat) na dulot ng Super Typhoon Inday (BAVI).

‎Pinangunahan ni OCD Region 1 Acting Regional Director at RDRRMC-1 Chairperson Assistant Secretary Laurence E. Mina ang Weather Updating Session noong Hulyo 8, kung saan tinalakay ang mga pinakahuling weather forecast at contingency measures ng mga ahensya ng pamahalaan.

‎Ayon kay Engr. Louie Vergara ng DOST-PAGASA, inaasahang magpatuloy ang mga pag-ulan sa Region 1 simula Biyernes hanggang sa weekend dahil sa pinalakas na Habagat. Nananatili ring nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa lalawigan ng Ilocos Norte.

‎Samantala, iniulat ni Andrea Montenid ng DENR-Mines and Geosciences Bureau Region 1 na, batay sa pinakahuling datos, wala pang barangay sa rehiyon na nakilalang susceptible sa landslide at pagbaha. Gayunman, ipinagpatuloy ng mga kinauukulang ahensya ang mahigpit na pagbabantay sa sitwasyon.

‎Ibinahagi rin ni Christian Leonell D. Torress ng Office of Civil Defense Region 1 ang mga posibleng senaryo at mga hakbang na dapat paghandaan ng konseho sakaling lumala ang epekto ng masamang panahon.

‎Nagbigay naman ng ulat ang mga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices (PDRRMOs) ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan, kasama ang iba pang miyembrong ahensya ng RDRRMC-1, hinggil sa kanilang mga isinagawang paghahanda at contingency measures.

‎Ayon sa konseho, sapat ang nakaimbak na pagkain, non-food relief items, mga gamot, agricultural implements, at iba pang suplay na handa nang ipamahagi sakaling kailanganin.

‎Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Asec. Mina ang kahalagahan ng pre-emptive evacuation, lalo na sa mga residenteng naninirahan sa mabababang lugar at sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa, upang maiwasan ang anumang sakuna habang patuloy na nararanasan ang epekto ng pinalakas na Habagat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments