Thursday, September 10, 2026

Mga residente sa Maynila, hindi lang sa baha pinag-iingat hinggil sa isyu ng leptospirosis

Muling ipinapaalala ng Manila Health Department (MHD) sa lahat ng indibidwal na hindi lang sa baha nakukuha ang leptospirosis.

Ayon kay MHD City Health Officer Dr. Grace Padilla, maaari rin itong makuha sa mga lata o bagay na nadapuan ng ihi ng daga, mga mesa o gamit na hindi nalilinis nang maayos.

Bukod dito, makukuha rin ang nasabing sakit sa iba pang bahagi ng bahay na maaaring kontaminado ng dumi o ihi ng daga.

Giit ng opisyal ng MHD, ang kalinisan ang isa pa ring mabisang paraan upang maiwasang tamaan ng anumang uri ng sakit.

Paliwanag pa ni Dr. Padilla, maiging huwag nang hintayin na lumala ang kondisyon bago kumilos kung saan, kapag may sintomas o exposure sa baha, agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center.

Para naman mapalakas pa ang kampanya upang maiwasang dumami ang mga pasyenteng may leptospirosis, bumababa ang mga tauhan ng MHD sa mga barangay, palengke, at iba pang lugar para mamahagi ng libreng doxycycline.

Facebook Comments