
Kinwestyon ni Senator Robinhood Padilla sa gitna ng sesyon ng Senado ang pagkakaroon ng kasong grave threats sa isang Regional Trial Court sa Quezon City ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Padilla, nabalot siya ng karimarimarim na balita na may kaso ang kasalukuyang vice president na isang impeachable officer.
Paliwanag ni Padilla, malinaw sa Supreme Court (SC) ruling partikular sa kasong Ombudsman versus Court of Appeals na may immunity from suit o hindi pwedeng sampahan ng kasong kriminal ang bise habang nanunungkulan.
Maari lang aniyang umusad ang kasong kriminal laban sa ikalawang pangulo kapag tapos na ang kanyang termino.
Punto pa ni Padilla, kung ang pangulo ng bansa na impeachable officer ay mayroong immunity from suit, dapat ding pairalin ito sa bise presidente.










