
Handang isapubliko ng pamahalaan ang binubuong national flood control master plan para sa mas malinaw na mga hakbang ng gobyerno laban sa pagbaha.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, layunin nitong ipakita ang mga plano sa flood management at climate change adaptation at hikayatin ang pakikipagtulungan ng publiko.
Mahalaga aniyang matukoy at maalis ang mga bara at iba pang problema sa mga daluyan ng tubig para maging epektibo ang mga flood control project.
Binigyang-diin din ni Castro ang political will para agad maisagawa ang mga kinakailangang hakbang.
Hindi pa naman malinaw kung Department of Public Works and Highways (DPWH) lamang ang bubuo ng master plan o kung isasama ang mga eksperto sa urban planning, Project NOAH at iba pang larangan.
Dagdag pa ni Castro, mas mainam na si DPWH Secretary Vince Dizon ang magpaliwanag tungkol dito, lalo na’t muling sinusuri ang Aquino-Singson Master Plan at mga plano para sa pangunahing river basin.
Mahalaga aniya ang transparency para alam ng publiko ang direksyon ng flood management ng bansa.










