Mga senador, nagkaisa na paimbestigahan ang mataas na singil sa kuryente ng electric cooperatives

275

Nagkasundo ang mga senador na magpatawag ng pagdinig kaugnay sa palpak na serbisyo at napakataas na singil ng electric cooperatives sa bansa.

 

Tinukoy ni Senador Grace Poe ang dobleng singil ng electric cooperatives sa Mindanao at sa ibang bahagi ng bansa na hindi hamak na mas mataas pa ang singil kumpara sa Metro Manila.

Dahil dito, ipatatawag sa Senado ang Energy Regulatory Commission (ERC) dahil ito ang nag-apruba ng singil na ipinapataw sa consumers gayundin sa power supply agreements na pinapasok ng distribution companies at generation companies.


Binigyang diin ni Poe na ang bawat pagtaas sa singil ay palaging ipinapasa sa consumers na naging kasanayan na habang ang providers ay wala man lang hirap dito.

Samantala, pinare-review ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang papel ng electric cooperatives kasunod na rin ng tumataas na singil sa Mindanao.

Nais alamin ni Pimentel kung bakit hindi epektibo ang konsepto ng pagkakaroon ng electric cooperatives para sa kapakanan ng consumers gayong ito ay binubuo dapat ng non-profit board of directors na kumakatawan dapat sa publiko.



Facebook Comments