
Nagsagawa ng tatlong araw na First Aid Training ang mga tour guide at accommodation establishments sa Alaminos City na sinimulan noong Hunyo 9 hanggang 11.
Pinangunahan ng Alaminos City Tourism and Cultural Affairs Office ang pagsasanay katuwang ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), kung saan nakatakdang bigyan ng sapat na kaalaman at praktikal na kasanayan ang mga kalahok sa pagbibigay ng paunang lunas at wastong pagtugon sa iba’t ibang emergency situation.
Ayon sa ulat, mahalagang maging handa ang mga tourism frontliner sa pagresponde sa mga insidenteng maaaring kaharapin ng mga turista at iba pang bisita, lalo na sa mga lugar na dinarayo ng maraming tao.
Kabilang sa mga tinalakay sa pagsasanay ang mga pangunahing first aid procedures at mga hakbang na dapat gawin sa oras ng emerhensiya upang mabigyan ng agarang tulong ang mga nangangailangan habang hinihintay ang pagdating ng mga medical responder.
Binigyang-diin din sa programa ang kahalagahan ng kahandaan at kaligtasan bilang bahagi ng pagpapanatili ng mataas na antas ng serbisyo at positibong karanasan ng mga turista sa lungsod.
Giit ng mga opisyal, target nitong pagtuunan ng pansin ang tourism stakeholder at kahandaan sa pagtugon sa anumang sitwasyong maaaring makaapekto sa kaligtasan ng mga bisita. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










