Wednesday, September 9, 2026

Kampo ni Sen. Bato dela Rosa, iginiit na hindi nila alam ang sinasabing protektor at pinagtataguan ng senador

Iginiit ng kampo ni Senator Bato dela Rosa na hindi nila alam kung sino ang sinasabing makapangyarihang protektor at kung saang lugar nagtatago ang mambabatas.

Ito ang nilinaw ng legal counsel ni Dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon matapos sabihin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na alam na nila ang kinaroroonan ng mambabatas, pero patuloy ang kanilang negosasyon sa mga diumano’y protectors ng senador.

Ayon kay Torreon, ang alam lang nila ay lubos na madasalin ang senador at matindi ang kanyang pananampalataya sa Diyos na siyang itinuturing na protector ni Dela Rosa.

Umalma ang abogado sa paggamit ni Remulla ng salitang may sangkot na “body bags” sa senador at ayaw nilang dumanak ng dugo sa sitwasyon dahil maaari itong magbigay ng takot sa pamilya ni Dela Rosa at sa mga sumusuporta rito.

Sinabi ni Torreon na patuloy at mataas nilang pagtingin kay Remulla at umaasa sila na babaguhin nito ang kasalukuyang polisiya sa pagsuko sa mga Pilipino sa International Criminal Court (ICC).

Muling iginiit ng kampo ng senador na handa silang tumalima sa pamahalaan kung talagang pinaniniwalaang may sala ang senador, pero dapat ay dito sa korte ng bansa sampahan ng kaso at litisin si Dela Rosa.

Facebook Comments