
Walang na-monitor ang Bureau of Immigration (BI) na pagbiyahe palabas ng bansa nina dating Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag at sinibak na si Police Leutenant Col. Rafael Dumlao III.
Kasunod ito ng pagkumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na inilagay na ang dalawa sa Interpol Red Notice.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, sa pinakahuling datos ay walang recent travel history ang mga ito.
Si Bantag ay nahaharap sa kasong may kaugnayan sa pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid noong 2022 at may inilabas na arrest warrant sa kaniya ang korte noong 2023.
Habang si Dumlao naman ang itinuturong mastermind sa pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick-joo sa loob mismo ng headquarters ng Philippine National Police noong 2016.
Pinawalang-sala siya ng korte noong 2023 pero binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon at hinatulan siyang guilty sa pagdukot at pagpatay sa dayuhang negosyante.
Samantala, una nang sinabi ng BI na wala ring travel history para sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang na inisyuhan din ng Interpol Red Notice.










