Tuesday, May 5, 2026

Tricycle driver sa Davao, tumigil sa pamamasada at pansamantalang naging garbage collector dahil sa mataas na presyo ng gasolina

Pansamantalang huminto sa pamamasada ang isang tricycle driver at nagtrabaho bilang garbage collector dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina sa bansa.
 
Sa panayam ng DXDC RMN Davao kay Ariel Matingquilla, 38 taong gulang at mula Bangkerohan, Davao City, hindi na umano sapat para sa kaniyang pamilya ang kanyang kita bilang tricycle driver, na umaabot lamang sa P400 hanggang P500 kada araw, habang umaabot naman sa P200 ang kanyang gastos sa gasolina na patuloy pa ring tumataas.

Dagdag nito, mahirap din ang kompetisyon sa pagpasakay ng pasahero sa Bangkerohan kaya pinili niyang tumigil muna sa pagmamaneho at pumasok bilang garbage collector sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Davao.

Bukod dito, naghahanap din ng dagdag na kita si Matingquilla sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga karton na kaniyang nakokolekta.
 
Sa kabila nito, nagpapasalamat si Matingquilla na nakakaraos pa rin sila sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
 
Babalik umano si Matingquilla sa pamamasada kung maipababa ng gobyerno ang presyo ng gasolina at magiging sideline niya ang pamamasada kasabay ng kaniyang trabaho bilang garbage collector.

Facebook Comments