Moral damage ng POGO sa mga Pilipino, mas mabigat kumpara sa benepisyong dulot nito

Umapela si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa pamahalaan na pakinggan ang panawagan ng mga senador at kongresista na ihinto ang operasyon ng POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.

Giit ni Barbers, mas mabigat ang pinsalang idudulot ng POGO sa moralidad ng mga Pilipino at sa lipunan kumpara sa benepisyong dulot nito.

Ayon kay Barbers, hindi naman nilalahat, pero ang POGO ang tila naging ‘root of evil’ o ugat na naglikha at nagdala ng bisyo at krimen sa ating bansa.


Pangunahing binanggit ni Barbers ang kidnap for ransom, prostitution, murder, extortion, online scamming tulad ng pishing at e-mail spoofing, illegal drugs, money laundering, human trafficking, graft and corruption, at iba pa.

Ipinunto rin ni Barbers na bawal sa China ang online gaming o kahit anong sugal kaya nakakadismaya na pinapayagan sa Pilipinas ang POGO.

Binanggit din ni Barbers ang mga reports na nagiging daan ang POGO para makapasok sa bansa ang mga prostitutes mula sa China, Myanmar, Malaysia at Vietnam na nagpapanggap na POGO workers at nagsisi-serbisyo din sa mga POGO workers.



Dismayado din sa Barbers na hindi naman nakamit ang sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na aabot sa ₱32 billion o higit pa ang maaring koleksyon ng pamahalaan sa POGO kada taon.

Tinukoy ni Barbers ang mga report na mula sa ₱7.1 billion na koleksyon sa POGO noong 2020 ay bumaba pa ito sa ₱3.19 billion ngayon.

Facebook Comments