
Iginiit ng Malacañang ang kahalagahan ng katotohanan at pananagutan matapos i-withdraw ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na impeachment articles laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi makikialam ang Palasyo sa estratehiya ng prosecution panel sa pagharap sa kaso laban sa bise presidente.
Mas alam din ng prosecution panel kung aling mga alegasyon ang may matibay na ebidensiyang maihaharap sa paglilitis
Dahil sa pag-withdraw, alegasyon ng unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman na lamang ang natitirang usapin.
Kabilang sa mga inalis ang mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, panunuhol at assassination plot.
Gayunman, sinabi ni Castro na mananatili sa kamalayan ng publiko ang mga impormasyong nailahad sa impeachment proceedings.
Dagdag niya, sapat nang mapatunayan ang isa sa mga alegasyon upang magkaroon ng batayan para sa impeachment.










