Nasawi ang isang 20 anyos na lalaki matapos umano’y masagasaan ng truck sa kahabaan ng kalsada sa Brgy. Ambonao, Calasiao noong June 13, 2026.
Batay sa imbestigasyon, minamaneho umano ng biktima ang kanyang motorsiklo sa outerlane ng kalsada habang tinutulak ang isa pang motorsiklo na naubusan umano ng gasolina.
Sa parehong direksyon, isang truck naman na minamaneho ng isang 27 anyos na lalaki ang bumibiyahe sa inner lane at hinihila rin umano ang isa pang truck.
Sa kalagitnaan nito, nawalan umano ng kontrol ang biktima at bumagsak ito sa kalsada kung saan papadaan ang truck at doon ito aksidenteng nasagasaan.
Agad na isinugod ng MDRRMO ang biktima sa Pangasinan Provincial Hospital sa San Carlos City, ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA).
Walang ibang nasugatan sa insidente, ngunit dinala parin ang lahat ng sangkot sa ospital para sa pagsusuri, habang isinasailalim sa imbestigasyon ang kanilang mga lisensya at ang maaaring may responsibilidad sa insidente.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang buong pangyayari, habang dinala na sa Calasiao MPS ang mga sangkot na sasakyan para sa tamang disposisyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







