
Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga pasaherong makasasakay sa Metro Rail Transit o MRT-3 sa sandaling simulan na ang rehabilitasyon sa EDSA sa Marso.
Ayon kay MRT-3 General Manager Engr. Oscar Bongon, sa ngayon ay nasa 80 to 85% ang kanilang load factor, kaya pang magsakay ng hanggang 15% ang kanilang mga tren.
Pero sabi ni Bongon, hindi naman sa MRT-3 lamang pwedeng sumakay ang mga pasahero, dahil pwede pa rin namang gamitin ng mga ito ang mabuhay lanes para sa mga may sariling sasakyan o sa mga gumagamit ng ibang uri ng transportasyon tulad ng taxi, TNVS, o maging ng mga jeep.
Tiniyak din ng MRT-3 na may mga reserba silang tren sakaling magkaroon ng aberya ang mga tren sa riles.
Sa kasalukuyan, nakapag-o-operate ang MRT ng 18 tren sa kasagsagan o peak hours, pero sa kabuuan ay mayroon silang 21 tren na pwedeng maging pamalit kapag may nagkaaberyang tren.