Tuesday, July 28, 2026

Mga manggagawa, hindi naging prayoridad sa SONA ni PBBM

Dismayado si Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando na hindi binigyan ng importansya ang mga manggagawa sa ikalimang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sabi ni San Fernando, binalewala ni Pangulong Marcos ang panukalang batas na maitaas ang sweldo ng mga manggagawa sa buong bansa, gayundin ang pagbuwag sa provincial rates o mas mababang pasahod sa mga probinsya at hindi rin nito isinulong seguridad sa trabaho sa pamamagitan ng pagbuwag sa endo o kontraktwalisasyon.

Ayon kay San Fernando, ang totoong estado ng ating bansa ay nananatili pa rin tayong ‘ayuda nation’ dahil mas malaki pa rin ang prayoridad ng gobyerno sa pamimigay ng panandaliang ayuda at pautang kaysa sa pagtiyak ng disenteng sweldo.

Suportado naman ni San Fernando ang pagtaas ng halaga ng sahod na saklaw ng income tax exemption at pag-alis sa system loss na ipinapatong sa bayarin sa kuryente pero sana ay isinulong din ni PBBM na alisin o bawasan ang Value Added Tax (VAT) sa produktong petrolyo.

Facebook Comments