
Hiniling ng House prosecution panel sa Senate Impeachment Court na ipa-subpoena ang mga tax at bank records ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Reginald Tongol, Spokesperson ng impeachment court, natanggap ng korte kahapon ng hapon ang request para ipa-subpoena ang tax documents ni VP Duterte, ng kanyang mister na si Atty. Manases Carpio at ng 22 negosyo kung saan mayroon umanong interest o sosyo ang bise presidente.
Batay aniya sa utos ng Impeachment Court noong Lunes, bibigyan ng limang araw ang defense team para magkomento sa request.
Sakaling tutulan naman ng mga abogado ni VP Sara ang pagpapa-subpoena sa mga bank at tax records ay magtatakda ang Impeachment Court ng oral arguments.
Tiniyak naman ni Tongol na hindi maaapektuhan ng oral arguments ang impeachment trial dahil bibigyan ang magkabilang panig ng tig-isang oras para magbigay ng katwiran kung bakit dapat o hindi dapat pagbigyan ang mga hiling na subpoena para sa bank at tax records.
Samantala, muling haharap sa Day 3 ng impeachment trial ang unang testigo ng prosekusyon na si National Bureau of Investigation (NBI) Agent John Mark Calilung para sa cross-examination ng defense panel.
Si Calilung ang sumuri at nag-authenticate sa video kung saan sinabi ni VP Sara na kapag may nangyari sa kanya ay may kinausap na siya para ipaligpit sina Pangulong Bongbong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.










