Muling nagtungo sa evacuation center ang mga internally displaced persons o IDPs, na ang karamihan ay halos dalawang linggo nang nananatili roon dahil sa patuloy na banta ng pagbaha.
Noong September 11, nagsagawa ng kumustahan ang DSWD Field Office 1 – Ilocos Region upang matukoy ang kalagayan at pangangailangan ng mga evacuees, partikular ang kanilang kalusugan at suplay ng pagkain. Matapos makatanggap ng food assistance noong nakaraang linggo, kanya-kanya na ngayong naghahanda ng pagkain ang karamihan sa mga pamilya.
Samantala, personal na nagtungo si Mayor Belen Fernandez sa Pogo Chico, kung saan sinimulan na ng dalawang contractor ang paggawa ng mga drainage structure para sa Zamora Extension project.
Ayon kay Mayor Fernandez, hinihintay na bumaba ang tubig mula sa Sinucalan River at ang lebel ng dagat upang agad na maisagawa ang road elevation at konstruksyon ng mas malaking drainage system.
Kasama si CDRRMO Chief Ronald De Guzman, sinuri rin ng alkalde ang dike sa Pogo Chico bilang paghahanda sa pagpupulong kasama ang City Engineering Office, PARMC, mga barangay captain, at BDRRMCs.
Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang sitwasyon upang matukoy ang mga hakbang na kailangan para mapalakas ang paghahanda laban sa pagbaha at matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








