Multiple transmission sa District 1, iniimbestigahan ng Quezon City Board of Canvassers

Iniimbestigahan ngayon ng Quezon City Board of Canvassers ang nangyaring multiple transmission.

Nabatid na kabilang dito ang sa District 1 at 4 na natukoy ng CCS laptop.

Na-detect ng CCS laptop ang multiple transmission na mula sa Barangay Bagong Pag-asa.

Sa imbestigasyon ng City Board of Canvassers, nag-transmit ng election returns ng 7:35 PM para sa 724 na balota.

Gayunman, hindi umano nakasama ang mga balota mula sa priority polling places.

Dahil dito, muling isinalang lahat ang mga balota sa makina at kaninang 6:48 AM ay nai-transmit ang tamang bilang ng boto.

Sa District 4 naman, natukoy ng CCS laptop na kulang ng isa ang boto.

Dahil dito, muling isinalang ang mga balota at mula sa 748 na bumoto, naitama ito sa 749 na boto.

Paliwanag ng City Board of Canvassers, ayaw umano nilang hindi mabilang ang boto kahit ng isang botante.

Isinapubliko ito ng City Board of Canvassers bilang bahagi ng transparency kahit na walang nag-manifest mula sa mga legal counsel ng mga kandidato rito.

Samantala, tatlong clustered precinct na lang ang hinihintay sa Quezon City Board of Canvassers para tuluyang matapos at maiproklama ang mga nanalo sa eleksyon 2025.

Dahil dito, aabot na sa 99.82 percent ang pag-upload ng election returns sa Board of Canvassers.

Facebook Comments