
Mariing itinanggi ni Senator Migz Zubiri na humiling siya o humawak siya ng mga proyekto ng ibang mga senador noong siya pa ang Senate president.
Kaugnay ito ng alegasyon ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na lahat ng mga senador ay mayroong P500 million na alokasyon at kapag chairman ng komite ay nasa P1 billion ang alokasyon na nasa ilalim ng “leadership fund” na hawak umano ni Zubiri.
Ayon kay Zubiri, tumanggi siyang humawak ng mga listahan ng proyekto ng mga mambabatas at walang dumaan na amyenda para sa pondo sa kanyang tanggapan at alam ito ng mga senador.
Giit ni Zubiri, lahat ng hiling na mga proyekto ay idinadaan sa Senate Committee on Finance na tagapangasiwa ng budget process ng Senado na pinamumunuan noon ni dating Senator Sonny Angara.
Idiniin ng senador na walang mali sa institutional amendments para suportahan ang pagtatayo ng mga kalye, tulay, paliparan, pantalan at iba pang critical infrastructures sa mga malalayong lugar basta’t ito ay aprubado ng implementing agency at sumailalim sa maayos na proseso at hindi ghost o substandard projects.
Dagdag ni Zubiri, lahat ng mga mambabatas, senador at mga kongresista ay nagpapasaok ng amyenda sa pambansang pondo.










