
Nilinaw ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagbigay lamang sila ng direktiba sa kanilang provincial agent in charge sa Tacloban City para magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa naganap na karahasan sa San Jose National High School na kinasasangkutan ng estudyante.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, nakikipag-ugnayan lamang ang NBI sa Philippine National Police (PNP) upang makatulong sa pagkalap ng ebidensiya at pagbusisi sa mga pangyayari.
Pero aniya, ang PNP pa rin ang ahensiyang nangunguna sa imbestigasyon ng naturang kaso.
Umabot na sa tatlo ang nasawi, habang marami ang sugatan sa insidente na ngayon ay nagpapagaling pa sa ospital.
Patuloy namang hinihintay ng mga awtoridad ang resulta ng imbestigasyon para matukoy ang buong detalye ng pangyayari at ang mga posibleng mananagot sa insidente.










