
Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagkakadiskubre ng limang inabandonang kabaong sa1 iba’t ibang bahagi ng Metro Manila kaninang madaling araw ngayong, Agosto 7, 2026.
Ayon sa paunang imbestigasyon, natagpuan ang mga kabaong sa Sta. Cruz, Maynila; Barangay 54 sa Caloocan City; Barangay South Triangle at Barangay Sta. Teresita sa Quezon City; at sa kahabaan ng Gil Puyat Avenue sa Makati City.
Lumalabas sa imbestigasyon na sadyang iniwan ang mga kabaong ng mga suspek na nakasuot ng maskara at sakay ng kulay gray at puting van bandang alas-2 hanggang alas-4 ng madaling araw.
Nakalagay umano sa mga kabaong ang mga mensaheng laban sa CPP-NPA at China.
Iniutos na ni PNP Chief Jose Nartatez Jr., ang malalimang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at ang mga taong nasa likod nito.
Kasalukuyang nagsasagawa ng backtracking at forward tracking sa mga CCTV footage ang mga imbestigador ng NCRPO.
Binigyang-diin ng NCRPO na hindi nila palalampasin ang insidenteng ito at tiniyak na mananagot ang mga responsable sa sandaling makumpleto ang imbestigasyon at maisampa ang kaukulang mga kaso.










